Martes, Enero 28, 2025

Q3-week 7-Nobela

 


Layunin: Nasusuri ang binasang kabanata ng nobela batay sa pananaw / teoryang pampanitikan na angkop dito


Panuto: Panoorin ang bidyo ng buod ng Nobelang "Paglisan" mula sa Nigeria na sinulat ni Chinua Achebe at sinalin sa Filipino ni Julieta U. Rivera.



Paglisan: Isang Pagsusuri ng Kabanata ng Nobela batay sa Teoryang Pampanitikan

Ang nobelang Paglisan mula sa Nigeria, na isinalin sa Filipino ni Julieta U. Rivera, ay isang malalim na akda na naglalaman ng mga isyung panlipunan, personal na pakikibaka, at kulturang sumasalamin sa karanasan ng mga tao sa isang tiyak na konteksto. Nakatutulong ang paggamit ng teoryang pampanitikan upang mas maunawaan ang mensahe nakapaloob sa akda at maaaring maiugnay sa mga isyung panlipunan.  Ang mga katangian ng karakter, ang mga simbolismo, at ang mga temang tinalakay sa akda, gamit ang angkop na pananaw o teorya ang pokus ng nobelang Paglisan.

1. Pagkilala sa Akda at sa Paksang "Paglisan"

Malinaw na ipinakita sPaglisan ang malupit na karanasan sa ilalim ng kolonyalismo. Tumatalakay ang nobela sa mga isyung pampulitika, personal na laban ng mga karakter, at ang kanilang pagnanais na makalaya mula sa mga kaakibat na paghihirap.

2. Teoryang Pampanitikan: Realismo

Ang pinakaangkop na teoryang pampanitikan upang suriin ang nobelang Paglisan ay ang Realismo. Ang Realismo ay isang pananaw na naglalayon ng paglalarawan ng buhay sa mga natural na kondisyon nito, nang hindi ito pinalamutian ng mga idealisasyon. Sa Paglisan, ang mga tauhan ay mga ordinaryong tao rin lamang na nagtataglay ng kalakasan at kahinaan. Ipinapakita ang emosyon, hamon sa buhay, at suliraning panlipunan. Dito, makikita ang pakikipagsapalaran ng mga karakter sa loob ng kanilang lipunan, isyu ng pagkakapantay-pantay, kalayaan, at ang malupit na epekto ng kolonyalismo.

3. Ang Tema ng "Paglisan" at Ang Realismong Panlipunan

Matutunton ang tema ng nobela sa mga tao mula sa isang lugar patungo sa ibang bansa o lugar upang makahanap ng mas maayos na buhay. Makikita ang mga karanasan na pinagdaanan ng mga karakter na naglalakbay upang hanapin ang posibilidad ng buhay subalit dumaraan sa mga sakripisyo at hinagpis dulot ng mga pagsubok na kinaharap. Sa perspektibang Realismo, ang bawat hakbang ng mga tauhan ay sumusuong sa malulupit na mga karanasan. Hindi lang ito simpleng pag-alis, kundi isang simbolismo ng pakikibaka para sa mas magandang bukas, na kadalasang puno ng kalungkutan at hirap. Isang malungkot na katotohanan na marami ang lumilisan sa hindi magandang paraan tulad ng pagkitil sa sariling buhay. Mahirap mang maunawaan ang kanilang mga dahilan, hindi maikakailang ito ay isang malaking kasalanan.

4. Paglalarawan ng mga Tauhan sa Kontekstong Realista

Sa pananaw ng Realista ay makikita na ang tauhan sa nobela ay dumaraan sa masalimuot at kumplikadong pangyayari sa buhay. Makikita sa mga karakter ang iba't ibang aspeto ng kanilang buhay na nagpapakita ng mga tunay na sitwasyon ng tao. Halimbawa, may mga sitwasyon na nahihirapan sa kalagayan ng kanilang mga pamilya, ang iba naman ay sumusubok na makamtan ang pangarap na makaalis sa mga kalupitan ng kanilang mundo. Ang mga ganitong pagsubok at saloobin ay tunay na naglalarawan ng buhay sa ilalim ng isang sistema ng pamahalaan at lipunan. Ang paglisan, anuman ang katatayuan sa buhay ay talagang pagdaraanan.

5. Paghahati ng mga Tema: Personal na Paglisan at Paglisan bilang Sosyal na Isyu

Sa pagsusuri sa nobela, maaaring bigyang pansin ang personal at sosyal na kahulugan ng paglisan sa nobela. Tumutukoy sa indibidwal na pagsubok ng mga tauhan at pagnanais na makaligtas at makahanap ng pag-asa sa mas magaan na buhay sa Personal na Paglisan. Samantalang ang Sosyal na Paglisan ay tumatalakay sa mga mas malalaking isyu tulad ng mga pag-aalsa laban sa hindi makatarungang pamamahala, kahirapan, at hindi pagkakapantay-pantay. Mahalagang matukoy ang malalim na nilalaman ng isang nobela sa pagtukoy sa mensaheng nakapaloob dito. Sa Realismo, ang mga isyu sa buhay ay itinuturing na biyaya at bahagi ng buhay na tao na nagpapatibay bilang isang indibidwal.

6. Simbolismo ng Paglisan: Ang Paglalakbay at Pag-asa

Sa konteksto ng teoryang Realismo, ang Paglisan ay hindi lamang pag-alis sa isang lugar kundi nagiging simbolo ng isang mas malalim na paghahanap—ng kalayaan at ng katarungan. Nangibabaw ang pangarap na magtagumpay at magkaroon ng pagbabago, at hindi pansariling interes lamang. Sa mga ganitong simbolismo, makikita natin ang kahalagahan ng proseso ng paglisan at hindi lamang ang destinasyon nito. Pinapakita nito na lahat ng tao ay dumadaan sa ganitong sitwasyon. Ang paglisan ay maraming sinisimbolo at aral na itinuturo sa buhay upang magpatuloy sa kabila ng mga hamon sa buhay. 

Tandaan:

Ang Paglisan ay isang akdang nagtatampok ng mga tunay na hamon sa buhay, at ang paggamit ng teoryang Realismo ay nagbibigay ng mas malalim na pag-unawa sa mga karanasan ng mga tauhan at ang kanilang paglalakbay. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga simbolo ng paglisan, nakikita natin ang buhay sa kanyang pinakamakapangyarihan at pinakasalimuot na anyo—isang patunay na ang pakikibaka para sa mas magandang buhay ay puno ng sakripisyo, ngunit may pag-asa sa kabila ng lahat ng pagsubok.

Subalit ito ang dapat tandaan, ang pagpapatiwakal ay isang malaking kasalanan sa mata ng tao lalo na sa mata ng Diyos ayon sa banal na kasulatan partikular sa mga Kristyano. Sa dami ng pinagdadaanang pagsubok ng mga tao ay hindi makatuwiran na tapusin ang buhay upang makatakas sa mga ito bagkus ay maniwala, magtiwala at magsikap upang malampasan ang mga unos na dumarating sa buhay. Isa pa, lahat ng tao ay nagkakamali, at sa bawat pagkakamali ay natututo, bumabangon at nagpapatuloy. Ang paglisan ay darating at darating sa buhay ng tao, subalit mas mainam kung ito ay magaganap sa tamang paraan at pagkakataon. Kaya ito ang masasabi ko sa bawat isa...Ikaw ay mahalaga kaya magpatuloy ka! 


Tanong: Sa pagtalakay ngayon sa aralin, ano ang iyong natutunan, naging pagninilay at naunawaan? Isulat ang sagot sa comment section kalakip ang pangalan para sa pagmamarka.


Pamantayan sa Pagpupuntos:

Nilalaman: 5 puntos

Gramatika: 5 puntos

Kabuoan: 10 puntos


Sanggunian:

šŸ‘‰https://youtu.be/TiNd6NNkrwk?si=yLMdLZroBwneGhSI

šŸ‘‰Alam Mo ba ang Kahalagahan ng Sampung Utos ng Diyos?




Q3-Week 6- Talumpati

Layunin: Naisusulat ang isang talumpati na pang-SONA

Panuto: Upang higit na maunawaan ang aralin ukol sa Talumpati,kung saan ay tinalakay ang paksang "Nelson Mandela, Bayani ng Africa", panoorin muna ang bidyo na nasa ibaba.


Nakapanood ka na ba ng SONA? Sinong pangulo ang napanood mo na nagsagawa nito at ano ang nilalaman ng kanyang SONA?

At upang madagdagan ang iyong kaalaman sa pagsulat ng talumpati, narito ang mga impormasyon na higit na makatutulong upang mapahusay ang pagsulat mo ng isang talumpati para sa isang State Of the Nation Address.

Pagsusulat ng Talumpati para sa SONA: Gabay para sa Mabisang Paghahayag ng Layunin at Pag-unawa sa Bayan

Bumibigkas ng ang pangulo ng Pilipinas sa State of the Nation Address (SONA). Ito ay isang mahalagang kaganapan sa bawat taon sapagkat naglalaman ito ng ulat ng lider ng bansa hinggil sa kalalagayan, mga nagawa at plano para sa hinaharap. Ang paghahanda ng talumpati sa SONA ay hindi biro dahil kailangang maihatid ang buong mensahe sa mga tagapakinig.

Dahil diyan, narito ang ilang gabay sa pagsulat ng isang mabisang talumpati:

1. Alamin ang Layunin ng Talumpati

Layunin ng talumpati sa SONA na mag-ulat hinggil sa bansa at maglatag ng mga plano na para sa kapakanan ng bansa. Ang pagpapahayag ay nararapat maging malinaw upang hindi maligaw ng landas. Sa bawat tagumpay ay kasamang babanggitin ang mga naging hamon at kung paano ito napagtagumpayan. Kasama rin ang mga hakbang na gagawin para mapabuti ang kalalagayan ng bawat Pilipino, pati ang mga plano at proyekto ng gobyerno para sa mga darating na taon ay isang mahalagang bahagi ng talumpati.

2. Istruktura ng Talumpati

Nahahati sa mga bahagi ang isang mahusay na talumpati. Narito ang istruktura na makatutulong sa pagbuo ng isang talumpati.

· Simula (Introduksyon): Kailangang makapukaw atensyon ang bahaging ito ng talumpati. Dito inilalahad ang mga unang pahayag na nag-uugnay sa mga tagapakinig at nagtatakda ng tono ng talumpati. Maaaring simulan sa mga saloobin o obserbasyon tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. Malinaw na mailahad ang layunin sa pagtatalumpati sa bahaging ito.

· Gitna (Katawan): Sa bahaging ito, ilahad ang mga detalye ng mga tagumpay ng administrasyon, maisa-isa ang mga nagawang proyekto pati na rin ang mga nabuong plano para mas mapabuti ang kalagayan ng bansa. Bigyang diin ang mga isyu o problema at kung ano ang ginagawa ng gobyerno upang masolusyunan ang mga ito. Mahalaga rin na maramdaman ng mga tagapakinig ang kanilang malaking gampanin sa bansa na hindi lamang basta mamamayan kundi kaisa sa pagkamit ng kaunlaran ng bansa.

· Wakas (Konklusyon): Dito, kinakailangang mag-iwan ng malakas na mensahe ng pag-asa at pagbabago. Magbigay ng inspirasyon sa mga mamamayan upang kumilos, magkaisa at magsikap para sa pagkamit ng magandang bukas.

3. Gumamit ng Wastong Wika

Hindi lamang mga eksperto o mga nasa gobyerno ang nakikilahok o nakikinig sa SONA, kundi ang mga ordinaryong mamamayan kaya nararapat na ang wikang gagamitin ng pangulo ay mauunawaan ng lahat. Mas mainam kung gumamit ng mga simpleng salita na madaling maabot ng bawat Pilipino. Ang layunin ng talumpati ay hindi lamang magbigay ulat, kundi iparating ang mensahe ng pagbabago at pag-asa sa masa.

 

4. Gumamit ng mga Numero at Datos

Maganda ring maglagay ng mga konkretong halimbawa, bilang, at datos upang suportahan ang iyong mga pahayag. Halimbawa, kung tinatalakay ay may kaugnayan sa pagpapabuti ng edukasyon, ilahad ang bilang ng mga silid-aralan na naitayo o ang mga programang nakatulong sa pagpapayabong ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Mas katanggap-tanggap at makapangyarihan ang talumpati kapag may ilalatag na sapat na ebidensya na susuporta sa mga pahayag.

5. Magbigay ng Inspirasyon

Mainam na positibong damdamin ang maikintal sa mga mamamayan sa SONA tulad ng pagkapit sa pag-asa, pagtutulungan, at pagkakaisa upang makamit ang layunin sa pagbabago ng bansa. Ang isang talumpating may positibong mensahe ay magbibigay lakas at inspirasyon sa mga tagapakinig.

6. Pagpili ng Tamang Mensahe

Nararapat na pagtuunan ng pansin ang mahahalagang isyu ng bansa; mga dapat mabago at problemang nangangailangan ng agarang solusyon. Ang mensahe ng talumpati ay hindi lamang para sa kasalukuyan, kundi para rin sa hinaharap ng bansa.

7. Pagtukoy sa mga Halimbawa ng Tagumpay

Habang ipinapakita ang mga plano at proyekto ng gobyerno, mahalagang magpakita ng mga halimbawa ng tagumpay na posibleng maging inspirasyon sa iba. Ang mga kwento ng buhay ng mga tao na nakinabang sa mga programa ng gobyerno ay magbibigay ng lakas at tiwala sa mga namumuno sa bansa.

8. Huwag Kalimutan ang Apela sa Aksyon

Sa pagtatapos ng talumpati, isang malakas na apela sa aksyon ang mahalagang maipabatid sa mga tagapakinig. Hikayatin ang mga mamamayan na makiisa at maging bahagi ng pagbabago sapagkat ang bawat isa sa atin ay may bahagi sa pagpapabuti ng ating bansa.

Tandaan:

Mahalagang pagkakataon ang SONA sapagkat nagiging mulat tayo sa mga nangyayari sa ating bansa. Nararapat na malinaw na maiparating ang mensahe ng pamahalaan at magbigay ng direksyon para sa mga mamamayan. Ang pakikisangkot ng bawat isa ay kailangan upang matamo ang iisang layunin- ang pag-unlad ng bansa at kabutihan ng lahat. Bilang isang mananalumpati, tukuyin ang layunin at tiyaking malinaw ang mensahe nakapaloob dito.



Sa pagkakataong ito ay alam kong makagagawa ka na ng sarili mong talumpati.


Tanong: Sa pagtalakay ngayon sa aralin, ano ang iyong natutunan, naging pagninilay at naunawaan? Isulat ang sagot sa comment section kalakip ang pangalan para sa pagmamarka.


Pamantayan sa Pagpupuntos:

Nilalaman: 5 puntos

Gramatika: 5 puntos

Kabuoan: 10 puntos


Sanggunian:

šŸ‘‰https://youtu.be/7Sm0NsFZU5E?si=Icr4sLJ37jOhZKpt

šŸ‘‰Sona Speech | PDF

Q3-Week 5- Sanaysay

 Layunin: Nagagamit ang angkop na mga tuwiran at di-tuwirang pahayag sa paghahatid ng Mensahe


Panuto: Panoorin ang dagdag na pagtalakay  ukol sa Sanaysay.


Matapos mong mapanood ang maraming kaalaman ukol sa sanaysay, sa kasalukuyan, saan ka ba madalas nakababasa ng mga opinyon ng mga kilala at pangkaraniwang tao sa lipunan?

Tama! Ang social media ang madalas na nagiging daan na upang maipahayag ang saloobin at damdamin ng isang tao kaugnay sa isang paksa.


Para mas higit mong matamo ang layunin ay basahing mabuti ang nilalaman ng blog na ito.

Pamagat: Ang Damdamin ng Pag-asa at Laban: Pagsusuri sa Talumpati ni Nelson Mandela at ang Kahalagahan ng Social Media

Si Nelson Mandela ay isang dakilang lider sa Africa na lumaban para sa kalayaan at diskriminasyon. Ang kanyang talumpati ay naglalaman ng mga damdamin ng pag-asa, pakikibaka, at pananampalataya sa kabila ng matinding pagsubok. Hindi lamang nakatuon sa pakikidigma laban sa hindi makatarungang sistemang apartheid ang nilalaman ng kanyang mga salita, kundi ang pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay at pagiging malaya ng bansang South Africa.

(Ang Apartheid ay isang polisiya ng diskriminasyon laban sa mga hindi-puting tao sa South Africa. Ito ay isang batas na nagpapatupad ng paghihiwalay ng mga tao batay sa kanilang lahi at naglilimita sa mga karapatan ng mga itim na tao. Sa ilalim ng Apartheid, mahigpit na pinaghihiwalay ang mga puti at hindi puti sa lahat ng aspeto ng buhay—mula sa edukasyon, pabahay, kalusugan, at maging sa mga pampublikong lugar. Ang layunin ng polisiya ay mapanatili ang dominasyon ng mga puti at supilin ang mga karapatan ng mga Black South Africans.)What made Nelson Mandela great | Psephizo

Ang Damdaming Nakapaloob sa Talumpati ni Nelson Mandela

Ang pagmamahal sa kalayaan at katarungan ang pinakatampok sa talumpati ni Mandela. Batay sa mga salitang binitiwan niya ay ipinamalas ang lubos na dedikasyon at tapang sa pakikipaglaban para sa mga karapatang pantao. Ang kanyang hangarin na pagbabago ay hindi lamang para sa mga tao ng South Africa kundi para sa buong mundo.

"I am prepared to die.", isa  ito sa makaantig damdamin na mensahe ni Mandela sa mga mamamayan na may kahulugang handang isakripisyo ang kanyang sarili para sa kabutihan ng bayan. Dahil dito, nahikayat ang mga tagapakinig na magsalita at kumilos laban sa anumang uri ng pang-aapi o pang-aabuso. 

 Ang mga teknikal na aspeto ng komunikasyon na ito ay hindi lamang ginagamit sa pagsulat, kundi pati na rin sa mga pampublikong pagsasalita upang maghatid ng makapangyarihang mensahe sa mga tagapakinig.

Tuwirang Pahayag sa Pagtalakay ng Sanaysay at Talumpati

Ang tuwirang pahayag ay ang mga pahayag na malinaw, walang paligoy-ligoy, at direktang pagpapahayag ng mensahe.  Hindi na ito kinakailangang magbigay ng dagdag na pagpapaliwanag o konteksto. Mapapansin na madalas ginagamit sa talumpati at sanaysay ni Nelson Mandela ang tuwirang pahayag upang magbigay ng mga konkretong paninindigan at magtakda ng mga layunin.

Narito ang isang halimbawa ng kanyang tuwirang pahayag:

“Ang aking buhay ay nakalaan para sa paglilingkod sa mga tao. Ang isang tunay na lider ay hindi iniisip ang kanyang sariling interes kundi ang kapakanan ng nakararami.”

Malinaw na ipinahayg ni Mandela ang kanyang damdamin ukol sa pagiging tunay na lider na nagsisilbi para sa kapakanan ng nakararami. Mas madaling maunawaan ang kanyang mensahe na naglalaman na itinakda siya para maglingkod at hindi para paglingkuran..

Di-Tuwirang Pahayag at ang Pagkakaroon ng Malalim na Kahulugan

Samantalang ang di-tuwirang pahayag naman ay may kasamang mga simbolismo, metapora, o mga ideya na hindi agad nauunawaan. Ang paggamit ng mga di-tuwirang pahayag ay nagiging epektibo sa pagpapahayag ng mas malalim na mensahe at sa pagpapakita ng mga kumplikadong ideya na mahirap ipahayag nang direkta. Madalas din ang paggamit ni Mandela ng mga di-tuwirang pahayag upang iparating ang mas malalim na kahulugan ng mga isyu sa lipunan, tulad ng kalayaan, pagkakapantay-pantay, at katarungan.

Isang magandang halimbawa ay ang kanyang pahayag na:

"Hindi ako naglalakbay upang maghanap ng mga kaluwagan, kundi upang maghanap ng kalayaan para sa aking mga kababayan."

Mapapansin na gumamit siya ng mga salita na may malalim na pagpapakahulugan. Ang “paglalakbay”ay sumisimbolo sa pagnanais na hanapin ang katarungan at pagkakapantay-pantay. Kailangan ng karagdagang pagsusuri upang higit na maunawaan ang layunin ng kanyang pahayag.

Pagtutok sa Pagkakaiba ng Tuwiran at Di-Tuwirang Pahayag

Sa kabuuan, parehong mahalaga ang tuwiran at di-tuwirang pahayag sa mga sanaysay at talumpati ni Nelson Mandela sapagkat nakatulong ito sa mahusay na pakikipagkomunikasyon na nagsusulong ng mga karapatang pantao. Ang tuwiran ay nagbibigay ng kaalaman at malinaw na direksyon sa mga tagapakinig, samantalang ang di-tuwirang pahayag ay nagpapakita ng lalim ng mga ideya at nagsusulong ng mas malalim na pagsusuri.

Pagsasagawa ng Pagtalakay sa Mga Pahayag ni Mandela

Dahil sa makabuluhang paggamit ng tuwiran at di-tuwirang pahayag ay naaabot ang layunin ng isang tagapagsalita o manunulat gaya ni Nelson Mandela. Ang bawat pahayag na kanyang binanggit ay may layuning magbigay ng inspirasyon, magtulak ng pagbabago, at magbigay daan sa pagkakaisa. Ang paggamit ng wastong mga salita at kaalaman sa wikang ginagamit ang magiging daan sa mabisang daluyan ng mensahe upang mas maunawaan ng mga mambabasa at tagapakinig.

Tandaan:

Mahalaga ang bawat uri ng pagpapahayag sa pakikipagkomunikasyon. Sa mga talumpati at sanaysay ni Nelson Mandela, ang paggamit ng tuwiran ay nagdudulot ng agarang mensahe at layunin, samantalang ang mga di-tuwirang pahayag ay nag-uudyok ng malalim na pagninilay at simbolismo. Nagsisilbi itong inspirasyon para maghangad ng makatarungan at malayang lipunan.

Isang malaking hamon sa kasalukuyan ang maging mapanuri sa lahat ng nakikita at nababasa sa iba’t ibang paraan ng pagpapahayag ng saloobin at naisin ng mga namumuno at nagnanais mamuno sa komunidad at maging sa buong bansa lalo na at nalalapit nanaman ang halalan. Pumili nang naaayon sa magiging kapakinabangan ng lahat hindi ng pansarili lamang kapakanan. Maging inspirasyon sa mga nagnanais mamuno sa lipunan ang dedikasyon, pagsusumikap at paglaban ni Mandela sa diskriminasyon at kawalang katarungan sa lipunan.



Tanong: Sa pagtalakay ngayon sa aralin, ano ang iyong natutunan, naging pagninilay at naunawaan? Isulat ang sagot sa comment section kalakip ang pangalan para sa pagmamarka.


Pamantayan sa Pagpupuntos:

Nilalaman: 5 puntos

Gramatika: 5 puntos

Kabuoan: 10 puntos


Sanggunian:

šŸ‘‰https://youtu.be/gYEeQ0tQk14?si=YO6-953DaB1oU_NU

šŸ‘‰www.google.com (Mga larawan)

šŸ‘‰sistemang apartheid - Google Search




Miyerkules, Enero 22, 2025

Q3-Week 4- Epiko- Sundiata

 LAYUNIN: Nasusuri nang pasulat ang damdaming nakapaloob sa akdang binasa at ng alinmang social media


Panuto: Panoorin ang pagtalakay ukol sa paksang "Sundiata" Epiko mula sa Africa ni Sir Wensor Francia

https://youtu.be/26W7RhFYgcM?si=08AFrP1JHEp4-I8R


Pagsusuri sa Damdaming Nakapaloob sa Epikong Sundiata at ang Kahalagahan nito sa Social Media

Ang epikong Sundiata ay isang kilalang kwento mula sa Africa, partikular na mula sa Mali, na naglalarawan ng buhay ni Sundiata Keita, ang nagtatag ng Mali Empire. Sa kabila ng pagiging isang klasikong epiko, ang Sundiata ay puno ng mga damdaming makikita sa bawat aspeto ng ating buhay—mula sa pagtanggap ng kapansanan, hanggang sa pagsusumikap para sa katarungan, at ang kahalagahan ng pagpapatawad at pagkakaisa. Ang mga temang ito ay patuloy na buhay na buhay sa ating mga makabagong karanasan, hindi lamang sa ating personal na buhay kundi pati na rin sa ating pakikisalamuha sa mga platapormang tulad ng social media. Mapapansin na marami na tayong nakikita na nagbabahagi ng pakikipagsapalaran at tagumpay ang ilang indibidwal sa iba’t ibang palataporma ng social media sa kabila ng kanilang mga kapansanan.

Mapa ng Mali sa Africa

Ang Epiko ng Sundiata: Ang Paglalakbay ng Bayani

Ipinakita sa epiko na si Sundiata ay isang batang prinsipe na ipinanganak na may kapansanan sa kanyang mga binti, isang kondisyon na naging sanhi ng panghuhusga at diskriminasyon mula sa iba. Ngunit sa kabila nito, siya ay nagsikap at nagtagumpay sa mga hamon ng buhay upang maging isang makapangyarihang pinuno. Isang patunay na hindi hadlang ang kapansanan upang matamo ang mga inaasam na tagumpay basta’t mayroong lakas ng loob na tanggapin ang kakulangan, magkaroon ng tiwala sa sarili at hindi sumusuko sa pagharap sa mga pagsubok.

Ang epiko ay isang tula na nagsasalaysay ng kabayanihan at pakikipaglaban ng pangunahing tauhan. Madalas na ang mga tauhan dito ay nagtataglay ng lakas na nakahihigit sa pangkaraniwang tao lamang. Ito rin ay puno ng damdaming masasalamin ang kahalagahan ng pagkakaisa, katarungan, at pagpapatawad. Ang Sundiata ay naglalaman ng pakikipaglaban sa mga kaaway, at nagpapakita ang mga sakripisyo ng mga tauhan na naglingkod sa kanya, na nagbigay ng kanilang buhay para sa katarungan at pagkakamit ng kapayapaan sa kanilang bansa. Nag-iiwan ito ng mga aral, at may temang laban sa hindi pagkakapantay-pantay, pagkamakasarili, at paghahangad ng kapangyarihan. Ipinakita rito ang makatarungang pamumuno at paggalang sa kabila ng mga pagkakaiba.

Damdaming Nakapaloob sa Epiko

Kombinasyon ng determinasyon, pagnanais para sa katarungan, at isang malalim na ugnayan sa pamilya at bayan ang damdamin na nangingibabaw sa Sundiata. Ang mga sumusuportang karakter sa epiko ay nagpapakita ng walang katumbas na loyalty at pagnanasa na itaguyod ang moralidad, kahit na sa harap ng panganib at sakripisyo. Puno ng katapangan at kabayanihan ang damdaming nangingibabaw sa tauhan sa epiko dahil sa pagmamalasakit sa kanilang bayan.

Halimbawa, ang karakter ni Sundiata mismo ay isang simbolo ng pagbangon mula sa pagkatalo. Bagama’t isang batang may kapansanan ay nagawa niyang matagumpay na maipaglaban ang kanyang bayan. Isang inspirasyon na hindi pansariling kapakanan ang nangibabaw bagkus ay sa ikabubuti ng nakararami.

Pagsusuri ng Damdamin sa Konteksto ng Social Media

Sa makabagong panahon, hindi lamang makikita sa mga aklat ang mga istorya ng tagumpay, kundi maaari na ring makita sa mga social media platforms. Ang social media, tulad ng Facebook, Twitter, at Instagram, ay naging isang lugar kung saan ang mga tao ay nagbabahagi ng kanilang mga tagumpay at pagsubok. Sa bawat post at kwento, makikita natin ang mga damdaming tulad ng sa epiko ng Sundiata—ang hangarin na magtagumpay, makatarungan, at mapabuti ang buhay. Isang inspirasyon upang magpatuloy na harapin ang mga pagsubok sa buhay at abutin ang inaasam na tagumpay.
Mula sa facebook post ng OneFM

Isang patunay si Ernie Gawilan na isang Pilipino na nakatanggap ng mahigit sa sampung gintong medalya sa Asian Para-Games mula sa ginanap na Swimming Paralympics noong 2023. Sa kabila ng kanyang kapansanan mula sa mapait niyang karanasan ang marami siyang napagtagumpayan. Ang hindi niya kumpletong pisikal na kaanyuan ang naging hamon sa kanya upang magsumikap at hanapin ang talentong natatangi sa kanya.

Sa social media, maraming tao ang nagbabahagi ng kanilang kwento ng tagumpay sa kabila ng mga pagsubok. May mga posts na naglalaman ng paglaban sa kanilang mga kahirapan—tulad ng mga kwento ng mga kabataan na nagtagumpay sa kabila ng matinding personal na pagsubok. Katulad ni Sundiata, ang mga tao sa social media ay maaaring maging inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang lakas ng loob at determinasyon.

Ngunit katulad din ng epiko, ang social media ay may mga aspeto ng paghahangad ng kapangyarihan at ang mga suliraning dulot ng hindi pagkakapantay-pantay. Hindi naiiwasan na may mga pagkakataon na ang mga post at komento ay nagiging daan ng alitan at hindi pagkakaintindihan. Ang bugso ng kanilang mga damdamin ang nagiging daan ng hindi pagkakaunawaan. May ilang tao na gumagamit ng social media upang mang-insulto, magpakalat ng maling impormasyon, o maghasik ng takot. Sa mga ganitong sitwasyon, mahalaga na magkaroon ng tamang liderato, maging mapanuri sa nababasa at napapanood, unawain ang bawat sitwasyon, at magkaroon ng pagkakaisa upang labanan ang mga negatibong aspeto ng ating komunidad—maging online at offline.

 

Ang Pagpapatawad at Pagkakaisa sa Social Media

Isa sa mga pangunahing tema sa Sundiata ay ang pagpapatawad at pagkakaisa. Natutunan ni Sundiata ang kahalagahan ng pagpapatawad, paggalang at pagtanggap sa pagkakaiba-iba. Sa paggamit ng social media, ito rin ang isang mahalagang aral upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan. Kung magkakaroon lamang pagpapakumbaba, pagpapatawad sa mga hindi pagkakasunduan, at pagtanggap sa kamaliang nagawa ay magkakaroon tayo ng mas magaan at mas makatarungang pag-uusap sa mga platapormang ito.

Tandaan:

Ang epikong Sundiata ay hindi lamang isang kwento ng isang bayani, kundi isang aral sa determinasyon, katarungan, pagpapatawad, at pagkakaisa. Ang pagtanggap sa kahinaan, pagpapakumbaba, at matapang na pagharap sa hamon ng buhay ay magdadala ng tagumpay sa nakararami. Sa modernong buhay, lalo na sa social media, ang bawat post na nagpapakita ng mga tagumpay at kabiguan ay magsilbing inspirasyon upang magsumikap. Maging maingat sa pagkokomento at sa pagpo-post na nagiging dahilan ng alitan. Ang mga aral mula sa Sundiata ay nagbibigay gabay sa atin sa kung paano natin dapat pamahalaan ang ating mga emosyon at pananaw, at kung paano natin maisasabuhay ang mga prinsipyo ng katarungan at pagkakaisa, sa parehong online na mundo at sa ating pang-araw-araw na buhay.


Tanong: Sa pagtalakay ngayon sa aralin, ano ang iyong natutunan, naging pagninilay at naunawaan? Isulat ang sagot sa comment section kalakip ang pangalan para sa pagmamarka.


Pamantayan sa Pagpupuntos:

Nilalaman: 5 puntos

Gramatika: 5 puntos

Kabuoan: 10 puntos


Sanggunian:

šŸ‘‰https://youtu.be/26W7RhFYgcM?si=08AFrP1JHEp4-I8R

šŸ‘‰www.google.com

šŸ‘‰FIL10-Q3-MODYUL4.pdf

šŸ‘‰Facebook

Q3-week 7-Nobela

  Layunin: Nasusuri ang binasang kabanata ng nobela batay sa pananaw / teoryang pampanitikan na angkop dito Panuto: Panoorin ang bidyo ng ...